Thursday, June 12, 2014

Nagsimula ang Lahat sa Isang Halik 4

     Habang kumakain ng hapunan panay ang pasulyap-sulyap ni Jolie kay Albert na nakaupo sa kabilang panig ng mesa. Pilit niyang binabasa ang mood ng binata sa gabing iyon lalo pa't nangako ito na sa gabi ding iyon magsisimula ang pagtu-tutor ng lalaki sa kanya. Dahil alam ni Jolie na sadyang mainit ang dugo ni Albert pagdating sa kanya, may konting takot din siya sa magaganap maya-maya lang. Pero kahit ganun pa man, inaamin naman niyang may konting excitement din siyang nararamdaman lalo pa at first time itong mangyayari na magkakasama silang dalawa.

Ano kaya ang gagawin namin mamaya? hmmmm .. maaring magkadikit kami habang naka-upo sa harap ng study table ko. Habang tinuturuan niya ako, nakangiti siya sa akin at titig na titig sa mga mata ko habang nagsasalita ako...

Napapangiti si Jolie habang nangangarap, ang di niya alam ay nahahalata na siya ng mga kasama sa mesa. Pati si Mary ay naaaliw habang nakatingin sa kanya. Samantalang si Albert at Nash iba ang naiisip sa kanya.

"Kuya, nakakatakot talaga tong babaeng to. Tanga na, loka-loka pa!" bulong ni Nash sa kuya niya. Sabay pang umiling ang dalawa pagkatapos sabihin iyon sa Kuya Albert niya.

"Nashhh! Tumigil ka na. Igalang mo si Jolie, mas matanda siya sa'yo!"


"Ayoko nga! ... Bleeh!" pagkatapos suwayin ang ina ay humarap ito kay Jolie at dumila sa kanya upang inisin ang dalaga. Napasimangot na lang si Jolie ng makita siya.

"Itong batang to! Wala kang dessert mamaya!" babala ni Mary kay Nash matapos mainis sa anak. "Ay, siya nga pala Jolie. Mag-aaral ka mamaya di ba? Anong gusto mong midnight snack para mahanda ko?" nakangiti na si Mary habang tinatanong si Jolie.

"Ay Tita, huwag ka na pong mag-alala. Okay lang po na hindi mo ako dalhan. Magpahinga ka na lang po ng maaga."

"Ay hindi pwede..di ba sabi ko sa'yo gustong-gusto ko yung ginagawa ko?"

"Pe-pero--"

"Nag-aaral ka na 'nak?" di makapaniwala ang ama ni Jolie sa nalaman. Sa pagkaka-alam kasi nito, wala sa bukabularyo ni Jolie ang mag-aral.

"Ma, since gusto mo naman yang ginagawa mo. Baka pwedeng gawin mong para sa dalawa ang ihahanda mo mamaya? Kung pwede lang yung sandwhich either peanut butter, egg, or tuna yung iprepare mo. Pwede rin yung fruits. No junkfoods and sodas. Okay na yung milk. "

"Hmmm? Nakakapagtataka naman... anong meron at magpapahanda ka rin ng midnight snack? Oh my..huwag mong sabihing mag-aaral ka din??!!" namilog ang mga mata ni Mary habang nagtatanong kay Albert.

"Simula ngayong gabi, ako ang magiging tutor nitong babaeng to." Sumimangot si Albert habang sinasabi ito at tinitigan ng masa si Jolie na naka-upo sa kanyang harapan. " Akyat na po ako, tapos na akong kumain. " tumayo na si Albert at iniwan ang mesa. Paakyat na sana ito ng hagdan ng huminto ito at tawagin si Jolie para masimulan na ang pag-aaral nila. Dali-dali namang tinapos ni Jolie ang kanyang pagkain at walang kara-karang sumunod sa taas kay Albert.

"D-daddy may himala!! Si Albert..mag-aaral??!!!"  Di makapaniwala ang mga magulang ni Albert sa narinig. Napa nga-nga na lang ang dalawa.

"Gabi ng himala ata ngayon at pati anak ko nag-aaral na rin!" sabat din ni Bong.

"Kuya! Sama ako at may itatanong rin ako tungkol sa homework ko!" nagmamadaling tumayo si Nash at susunod na sana sa kuya niya pero napigilan ni Mary nang nahawakan nito kaagad ang damit at napa-upo ito pabalik sa kanyang silya.

"Tayo ang gagawa ng homework mo..pabayaan mo na ang kuya at ate mong mag-aral hmmm?!" nakangiting saad ni Mary sa bunsong anak.



Isang oras ng matyagang hinihintay ni Albert ang sagot ni Jolie sa ginawang problem solving sa Math pero di parin nito iniaabot sa kanya ang papel na hawak-hawak ng dalaga. Nakatulog na siya't lahat sa kakahintay na matapos sa kaisa-isang problem na binigay niya pero wala paring nangyayari.

"You are hopeless!! " sigaw ni Albert, ubos na ang pasensya niya kakahintay kay Jolie. Pabalikwas itong bumangon mula sa pagkakahiga sa kama ng babae kung saan nakatulog ito ng isang oras. Nilapitan nito si Jolie na naka-upo sa harap ng study table at inagaw ang papel na hawak-hawak . "As if naman may lilitaw na sagot diyan kung titigan mo pa ng ilang oras, akin na!"

"Sor--ry.." napakagat-labi na lang si Jolie at napayuko dahil sa hiya kay Albert.

" Tama nga ako, kahit ganito ka basic na tanong di mo parin masasagot." umiiling si Albert, di makapaniwala sa nakumpirmang hinala niya."Paano ka ba umabot ng 4th year, ha?! Kahit si Nash kayang sagutin to eh!"

Napatungo na lang si Jolie at di na nagawang magtanong pa sa takot na masigawan ulit ni Albert. Inaamin naman kasi niyang kasalanan din niya kung bakit nagagalit ang lalaki sa kanya, pero kahit anong pilit niyang gawin di niya talaga kayang sagutin ang simpleng problem na ginawa ni Albert para sa kanya.

"Bakit kasi di ka na lang sumuko, ha? Aminin mo ng kahit ano pang gawin mo, no, I mean gawin ko, di ka parin matututo! "

Pagkatapos marinig ang sinabi ni Albert di maiwasang  mainis ni Jolie sa kanya. Pakiramdam ng babae ay biglang tumubo ang dalawang sungay niya sa ulo kaya di na napigilan ang sarili at ginaya nito ang pagpapacute ni Albert sa picture niya noong bata pa ito.

"Ano na namang kalukuhan yan?" nakakunot ang noo habang nagtatanong kay Jolie.

"Ang cute-cute ng baby Albert ..prinsesang-prinsesa sa pink na dress!" pagkatapos mang-asar ay tinawanan pa ng malakas si Albert.

Sa inis ni Albert sa sinabi niya ay bigla itong hinampas ang mesa. Namumula ang mukha ng lalaki sa galit kay Jolie pero pagkaraan ng ilang sandali ay napapikit na lang ito ng kanyang mga mata upang pakalmahin ang kanyang sarili . Malalim na buntong-hininga ang ginawa ni Albert saka ito nagsalita ulit.

" Makinig ka ha! Ipapaliwanag ko sa'yo paano to gawin."

Dahan-dahang pinaliwanag ni Albert kay Jolie kung papaano sasagutina ng Math problem na ibinigay niya dito. Upang madaling maintindihan ay isinulat pa niya sa papel ang steps sa pagkuha ng solution. Walang kamalay-malay si Albert na ang babaeng kaharap niya ay di pala nakikinig sa kanya at nangangarap lang ito ng gising habang mataimtim na nakatitig sa mukha niya.

Ang gwapo-gwapo mo talaga lalo na sa malapitan..ang taas ng pilik-mata..ang tangos-tangos ng ilong..ang pula ng lipsss..hayyy makakatikim kaya ako ng halik mula sa mga labing yan?...

"So ano ngayon ang X ? " nag-angat ng tingin si Albert at seryosong tinitigan si Jolie. Nakita nitong nakangiti itong nakatitig sa kanya. " Hoy! Ano ang  X ?" napataas ang kilay ni Albert nang muli siyang tanungin.

" X ? Alphabet , ano pa nga ba!" sagot ni Jolie sa kanya na wala parin sa sarili. Marahan pa itong tumawa kay Albert.

" Ang sabi ko ano ang X ! " tumaas na ang boses ni Albert pero tila di parin natinag si Jolie at tumawa ulit ito.

"Ahhh sorry, kala ko kasi yon ang tinutukoy mo.. syempre yan ang section ng mga matatalino sa bawat level. Tulad ng sa inyo di ba na --"

" AYAW MO TALAGANG MAGSERYOSO?! " hinampas ulit ni Albert ang mesa sa inis niya kay Jolie. Nanggigigil na talaga sa babae.

"So-sorry. Ano ba kasi yung na tinutukoy mo? " nakita niya ang pagturo ni Albert sa papel sa harapan nila. Saka lang naalala ni Jolie na tinuturuan pala siya ni Albert kung paano sagutin ang Math problem na di niya masagot-sagot kanina. Tiningnan niya ang papel at nakita ang tinutukoy na sagot ni Albert sa kanya. " Ahhh X is 24  "

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Albert at isang masamang tingin naman ang pinakita sa kanya. " Gusto mo ba akong mabaliw ?! Umayos ka , pwede ba?! "

"So-sorry na nga." humaba pa ang nguso  ni Jolie matapos humingi ng paumanhin kay Albert.

" Hay kahit anong gawin ko mukhang di mo kakayanin ang Math. Sa ibang subject naman tayo, akin na yang libro mo sa Science, mamarkahan ko kung anu-ano yung dapat tandaan at aralin mo. " isa-isang minarkahan ni Albert ang bawat pahina na ire-review nila kinabukasan. Sa bawat pakli nito ng pahina ay mas humahaba naman ang nguso ni Jolie sa pag-alala.Nang matapos na si Albert ilang sandali ang nakalipas ay para na itong pinagsakloban ng langit at lupa.

"Ito lahat? Matatandaan ko kaya tong lahat?"

"Bakit nagrereklamo ka? Pwede namang ihinto ko na ang pagtutor sa'yo. Madali naman akong kausap."

"Hindi hindi hindi..kaya ko to! Pramis, kaya ko to!" huminga ng malalim si Jolie pagkatapos niya itong sabihin. Napangiti na lang si Albert nang makita ang mukha nito, sa isip niya alam niyang mahihirapan si Jolie at di nito kaya ang kanyang pinapagawa.

"Ang dami naman...di ba mula page 87 hanggang 106 lang naman? Bakit umabot hanggang page111?"

"Ewan ko, di ko naman alam pointers eh."

"Ano?! Di mo alam kung ano yung pag-aaralan mo?"

"Hindi! Di naman ako nag-aaral eh. At saka isang basa ko lang naman kasi natatandaan ko na kung ano ang nakasulat."

"WOW!"

"Alam ko, kaya kung gusto mong may matandaan kahit isang sagot dali na..mag-aral ka na!"

Habang binabasa ni Jolie ang libro unti-unti itong nakakaramdam ng pagod at antok. Manaka-naka na itong napapapikit ng mata pero hinayaan lang siya ni Albert at ino-obserbahan kung ano ang magiging resulta. Kinalaunan ay nakita na niyang dahan-dahan ng napapadausdos ang aklat na nasa harap ni Jolie at tuluyan ng inihiga ang kanyang ulo sa ibabaw ng mesa nito.

Sabi ko na nga ba eh ito ang mangyayari... napakagat na lang ng kanyang labi si Albert habang tinititigan si Jolie.  "Hoy! Gisinggg! " sinusundot-sundot ni Albert ang pisngi ni Jolie habang pilit na ginigising ang babae. Makailang tawag at sundot pa ang ginawa ng lalaki bago pa nito nagising si Jolie.

"Woooohh!" sigaw ni Jolie nang maalimpungatan ito. Nang makita ng dalaga ang mukha ni Albert at matandaan ang dahilan kung bakit naroon sa kwarto niya ang lalaki ay namilog ang mga mata ni Jolie. "Sorry..sorry talaga..ang tanga-tanga ko talaga nakatulog ako..sorry Albert, sorry talaga!"

"Mabuti naman alam mo!"

"Na nakatulog ako?" inosenteng tanong ni Jolie sa lalaki.

"Na tanga ka!" diretsong sagot ni Albert sa babae.

Napabuntong-hininga na lang si Jolie at kinagat ang ibabang bahagi ng labi upang pigilan ang sarili na patulan ang lalaki. Alam naman kasi niyang may kasalanan din siya kaya mas pinili na lang niyang huwag ng magsalita pa.

"Aside sa kawerduhan mo, may ibang talent ka rin pala sa pagiging antukin. Para huwag kang antukin habang nagbabasa siguraduhin mong naka-upo ka ng maayos at igalaw mo paminsan-minsan ang iyong katawan. " binigyan ng tip ni Albert si Jolie kung ano ang gagawin nito upang iwasang antukin. Bukod dito ay may ibang tip din siyang ibinahagi kay Jolie upang madali lang nitong matandaan ang mga bagay na kailangan niyang memoryahin at paano siya maka-concentrate sa pag-aaral kahit may mga bagay na makaka-distract sa kanya.

Nasa kalagitnaan na sila ng pag-aaral ng Science nang pumasok ang ina nito na may bitbit na tray. Umaapaw sa dami ng laman na pagkain ang tray kaya napa nga-nga na lang ang dalawa, di makapaniwala sa nakikita.

"Break time! Kain na muna kayo!! " masayang sabi ni Mary sa kanilang dalawa.

"Ma! Ang dami naman niyan!?" kinuha ni Albert ang tray buhat sa ina at tinulungan ito habang si Jolie naman ay nagmadaling nagligpit ng mga gamit sa ibabaw  ng mesa nito para may lugar na mapaglalagyan ng tray.

"Oo nga Tita, ang dami naman nito!"

Nakita ng dalawa kung ano ang laman ng tray, may sari-saring prutas, dalawang baso ng gatas, ilang sandwiches at may isang bowl pa na puno ng mani ito.

"Nanigurado na ako..sabi mo fruits di ba? Ayan, kayo na ang bahala kung ano ang gusto ninyo..yang mga sandwiches na yan may tuna, egg, chicken at peanut butter..kung kulang pa ang milk ninyo magsabi --"

"Ma..Ma..tama na ... wala ba kayong planong patulugin kami ngayong gabi at parang hanggang bukas ang supply ng pagkain namin?"

"Ah eh..di naman..kaya lang.." isang matunog na tawa ang pinakawalan ni Mary. "Sorry, masyado akong na-excite ng marinig ko yung sinabi mong mag-aaral ka kasama si Jolie..Ay , syanga pala bago ko makalimutan.."

May kinuha sa kanyang bulsa si Mary habang nagsasalita, nang tuluyan na nitong madukot sa bulsa ay may hawak na itong isang maliit na digital camera . Nakangisi na ito habang iwinagayway ang camera sa harapan niya. "Tadannnn!!"

"Ma!"

"Tita!"

"Isa lang naman.. say cheese!"


Click! Parehong nagulat sina Albert at Jolie kaya di na nagawang maka-ilag sa camera ng pindutin na ito ni Mary.

"Ma... ilalagay mo na naman yan sa blog mo eh!" reklamo ni Albert sa ina. Alam kasi nito na gumawa ng isang blog ang kanyang ina at doon nito ina-upload ang bawat litratong nakukunan nito.

"May blog ka Tita?"

"Of course! Bakit parang nagulat ka? Sa panahon ngayon, normal na lang na magkaroon ka ng isa o maraming blog noh. Gusto mong makita? "

Tumango si Jolie, bigla itong na-curious sa blog ni Mary pero nang tatayo na sana ito upang sumunod kay Mary na nasa harap na ng laptop niya sa kabilang mesa ay pinigilan siya ni Albert sa pamamagitan ng paghawak sa likod ng damit niya kaya napa-upo siya ulit sa kanyang upuan.

"Ma..pwede po bang lumabas na kayo para makapag-aral na kami ulit?"

"Grabe ang strict mo namang tutor..di ba break 'nyo pa?"

"Maaa.."

"Okay fine! hmmm if I know gusto mo lang ma-solo si Jolie!"

"MA!"

"Joke lang!...pwede ring hindi!"

Panunudyo ni Mary sa anak pagkatapos ay nagmamadali na itong lumabas ng kwarto. Si Jolie naman ay di mapigilan ang sarili at kinilig sa kanyang narinig mula sa Tita nito.

"Masaya ka naman?!"

Nawala ang ngiti ni Jolie ng makita ang inis sa anyo ni Albert. Napailing na lang ang dalaga at binilisan ang pagnguya sa kanyang kinakain na sandwhich.

"Dalian mo na diyan at ng maipagpatuloy natin ang ating pinag-aralan kanina."

"ummm." mahinang sagot niya kay Albert.

Pagkatapos kumain ay ipinagpatuloy ni Albert ang pag-tutor kay Jolie. Inabot sila hanggang ala-una ng madaling araw sa unang gabi ng pagtu-tutor. Upang mas mapadali ang gagawin nila sa susunod na mga gabi ng pag-aaral, gumawa si Albert ng questionnaires at sinalungguhitan ang mga importanteng bagay na dapat saulohin ni Jolie.




















Photo credits to I.S.W.A.K


Disclaimer: I do not own the story, credit belongs to Kauro Tada , the original writer of Itazura na Kiss. There is no financial gain made from this nor will any be sought. This is for entertainment purposes only.

2 comments:

  1. Kailan kaya ang sunod na chapters? Thank you.....

    ReplyDelete
  2. Plsss...sana maipublish na yung next episode...

    ReplyDelete