Tuesday, September 2, 2014

Mr. Chinito Ver. 2.0 ( Part 14 )


     Kasalukuyang kumakain sina Marian at ang mga kaibigan nito sa maliit na kusina ni Emman. Walang ibang pinag-usapan ang lahat kundi siya. Napuno ng pang-aalaska si Marian dahil sa kalasingan nito  kagabi.

“Marian may pagnanasa ka bang tinatago kay Kuya Jonas ha at pinagtripan mo talaga yung tao na sumayaw kagabi?” ito ang tanong ni Emman, ang pa-girl na kaibigan niya. Isang malokong ngiti ang ibinigay nito sa kanya at may pakindat-kindat pa upang hikayatin siyang kumpirmahin ang hinala nito sa kanya.

“Uy wala ha! Ikaw Emman huwag mo nga akong itulad sa’yo!” 

“At bakit, ano ba ako ha?”

“Gusto mo talagang ibisto kita? Ha?! Ha?!” panghahamon naman ni Marian kay Emman. Di mapigilan ni Marian na huwag matawa ng maalala niya ang sandaling hinihingan siya ni Emman ng number ni Jonas nang makita ito sa unang pagkakataon noong sinundo siya ng driver sa university nila. Panay pa ang kulit nito sa kanya at type daw niya ito at halos di siya makatulog kakaisip kay Jonas. Pero sa takot ni Marian na baka magkalat ng lagim ang kaibigan niya ay hanggang ngayon di pa niya binibigay ang gusto nito sa kanya. “Guys alam ‘nyo ba yang si Em-“

“Ayyyy, NOOOO! Huwag kang maingay bruha ka!!!” ibinaba ni Emman ang dalang pinggan at nagmamadaling tinakpan ang bibig ng kaibigan upang pigilan itong huwag magsalita sa mga kaibigan nila.

“May hindi ba kami nalalamang sekreto dito, Emman? Marian?” tanong ni Mary Faith sa dalawa.

“Wala..wala..sige na kain na kayo. Masarap yang sinigang, di ba?”

Di parin tinatanggal ni Emman sa bibig ni Marian ang kanyang kamay kaya kinagat na ito ng marahan ni Marian upang bitawan na siya ng kaibigan. Ilang sandali lang ang nakaraan ay nabaling sa usapang pagkain ang lahat kaya nakawala na sina Marian at Emman sa panunukso ng lahat. Napag-usapan nila ang tungkol sa pipiliin nilang pasukang restaurants at resorts para sa OJT nila. Nakinig lang si Marian sa mga kasamahan niya, ang totoo kasi, di pa siya sigurado kung saan siya papasok kahit ba may mga proposals na pumasok kahapon para sa kanila.

Habang masayang nagkukwentuhan ang iba, napansin ni Bart si Marian na biglang tumahimik at nakatungo na lang  sa kanyang kaya  pagkainkinalabit niya ito sa braso kaya napatingin si Marian sa kanya.

“Okay ka lang?” bulong ni Bart kay Marian, sa sobrang ingay ng nakapaligid sa kanila ay di na sila napapansin ng iba.

“Oo, okay lang naman. Ikaw? Sorry nga pala kagabi ha. Pati ikaw di ka na nakapasok ngayon dahil sa akin. Sorry talaga, Bart.”

“It’s okay. Di rin naman kita maiwan kagabi. Sa sobrang saya mo di mo na napansin naparami na yung iniinom mo.”

“Oo nga eh! Siguro kasi medyo matagal-tagal na ring di ako nakainom kaya siguro di na sanay yug sistema ko. “

“Ah, kaya pala.”
 
Habang abala ang lahat sa pagkain at kanya-kanyang usapan ay narinig nila ang pagtunog ng telepono. Sinagot naman ito kaagad ni Emman.

“ Yes?..ah okay po, sige po paakyatin ‘nyo na lang po siya.” Pagkatapos nitong ibaba ang receiver ng telepono di na maipinta ang mukha ni Emman. Namutla ito na wari’y kinakabahan kaya kaagad siyang tinanong ng mga kaibigan.

“May parating ka na bisita?” nagtatakang tanong ni Mary Faith.

“Sino yung tumawag?” tanong naman ni Edselyn habang umiinom ng kanyang orange juice. Lahat sila ay tumahimik at nakatutok ang atensyon kay Emman, naka-abang sa kanyang ibabalita.

“Pwedeng dalian ‘nyo nang kumain, lalo kana diyan Marian. Paakyat na si Mr. Lim.”

“Huh? Siya yung tumawag?” namilog ang mga mata niya, di makapaniwala sa kanyang narinig. Kahit alam nilang lahat ay parating si Richard, sandali nila itong nakalimutan ng magsimula na silang mag-asaran tungkol sa nangyari kagabi. Pati si Marian di inasahan ang maagang pagdating ng sandaling maghaharap na sila ni Richard. 

“Hindi, yung receptionist. Sige na!”

Dahil sa napipintong pagdating ni Richard. Di na nagawa ng lahat na tapusin ang kanilang kinakain. Lahat sila nagmadaling magligpit ng kanilang pinagkainan. Sina Marian, Mary Faith, Edselyn at Bart ay nagtutulungan na magligpit sa kusina habang sina Emman, Daniel, at Joshua naman ay nagmamadaling magligpit ng sa may sala. Nagmistula silang mga pusa na biglang hinagisan ng tubig, nagkakagulo at nag-iingay.

Ilang sandali pa ay tumunog na ang doorbell. Napatigil sa paghinga ang lahat, nagkatinginan at lahat namimilog ang mga mata sa sobrang kaba. Siniguro muna ni Emman na maayos na ang sala bago ito dahan-dahang naglakad para buksan ang pinto.

“Ready?” bulong ni Emman sa kanilang lahat. Tumango lang sina Edselyn at Mary Faith kaya pinihit na ni Emman ang doorknob upang pagbuksan na si Richard. “Good afternoon po Mr. Lim. Pasok po.” Pinipilit ni Emman maging kaswal sa kanyang pagbati kahit na sa kaloob-looban nito ay ang lakas na ng kabog ng kanyang dibdib.

“Good afternoon. Salamat, andiyan ba si Marian?” ilang sandali lang ay pumasok na si Richard sa pinto, bitbit ang isang paper bag. Seryoso ang mukha at di man lang nakitaan ng konting ngiti ang mga labi.

“Andito po.” Pagkatapos maisarado ni Emman ang pinto ay tinawag na nito si Marian na nagmadali naman lumapit sa kanila. Sina Joshua at Daniel ay sumabay na kay Emman sa pagpunta ng kusina upang bigyan ng privacy sina Marian at Richard na mag-usap.

Napansin ni Marian ang pagkunot ng noo ni Richard ng makita ang kanyang itsura. Marahil ay nagtataka ito sa suot nitong malaking puting roba na unang nakita ng lalaki na suot niya. 

“Pina-hiram ni Emman. Kasi yung-“

“Get dress. Para maka-alis na tayo.” Utos kaagad ni Richard kay Marian.  Inabot ni Richard ang dalang paper bag kay Marian. Nang tingnan ito ni Marian, nadiskubre niyang ilang gamit pala niya ang nasa loob nito.

“Salamat. Sige, magbibihis muna ako.” Dali-daling pumasok sa loob ng kwarto ni Emman si Marian at nagsimula ng magbihis.

Habang nagbibihis si Marian sa loob ng kwarto ni Emman ay nanatili ang iba pa nitong mga kaibigan sa kusina. Walang nagkalakas ng loob na lumapit kay Richard lalo pa ng sabihin ni Emman na mukhang hindi masaya si Richard sa nangyari at nakasimangot lang ito.

Ilang sandali ang nakaraan ay lumabas na si Marian ng kwarto, alam niyang di maganda ang mood ni Richard sa mga sandaling iyon. Ni hindi niya nakita itong ngumiti sa kanya bagkos ay nakasimangot lang ang lalaki ng magkita na siya. Naiintindihan naman ni Marian kung bakit ganun ang asal nito, dahil di nagustuhan ni Richard ang nangyari ng nakaraang gabi. Desidido naman si Marian na humingi ng tawad sa lalaki at pinangako sa sariling kakausapin niya ito pag-uwi niya. Ilang sandali ang nakaraan ay lumabas na ng kwarto si Marian at pinuntahan ang mga kasamahan sa kusina upang magpaalam. 

“Emman, salamat sa pagpapahiram ng robe  mo. Isasauli ko to bukas, lalabhan ko muna.”

“Naku girl huwag na, ako na.”

“Hindi noh, ako na. Nakakahiya naman, sobrang abala na kung pati to ipapaubaya ko pa sa’yo. Guys sorry talaga sa nangyari ha.”

“Okay lang yon, nag-enjoy din naman kami sa’yo kagabi.” Biro ni Emman sa kanya. Ibinulong lang niya ito upang masigurong di siya maririnig ni Richard na hanggang sa pagkakataong iyon ay wala paring imik at nanatiling nakaupo sa may sala.

“Sira!”

“Oh siya, sige na lumabas ka na at naghihintay na si Mr. Lim. Baka mas lalo pa yan magalit kung matagalan ka pa.”

“Sige, mauna na ako. See you tomorrow? Di muna ako papasok mamaya… Kayo?”

“Papasok kami mamaya, ikaw ayusin mo muna yung sa inyo ni Mr. Lim at alam namin mahaba-habang usapan pa yan.”

“Oo nga eh. Sige  na..bye! “ Tumalikod na si Marian at palabas na ng kusina ng sinabayan siya ni Bart upang kausapin sandali.

“Text me later pag-uwi mo. Balitaan mo ako ha, nag-aalala kasi ako baka mag-away kayo.”

“Ano ka ba, don’t worry harmless naman yan eh. Masungit nga yan pero di naman yan nananakit, if that’s what you mean.”

“Basta..”

“Okay, for your peace of mind, ite-text kita later. By the way, sana makapasok ka pa mamaya sa ibang klase mo.”

“Oo, mamaya papasok din ako. Ingat ka.”

“Ikaw din. Sige, bye.”

Bahagyang hinawakan ni Bart ang braso ni Marian at pinisil ng marahan. Nang mapansing nakatingin sa kanila si Richard, bahagya ding tumango si Bart dito pero di man lang ito ginantihan ni Richard. Nang papalapit na si Marian sa kinaroroonan ni Richard ay tumayo na ito at naunang maglakad at pinagbuksan siya ng pinto. Pinaunang lumabas ni Richard si Marian  pagkatapos ay sumunod na ito sa kanya. Lahat ay napabuntong-hininga ng isinarado na ni Richard ang pinto.Wari nabunutan ng tinik ng masigurong naka-alis na sina Richard at Marian.

Tahimik na naglakad sina Marian at Richard. Gustuhin man ni Marian na humingi ng tawad agad-agad ngunit ng makita nito ang anyo ni Richard na nakasimangot, salubong ang kilay, at tiim ang bagang na tila nagpipigil ng galit sa loob, di na makuha ni Marian na magsalita pa. Nang nasa elevator na sila, kitang-kita ni Marian na hindi parin nagbabago ang anyo ni Richard. Nakatayo ito sa kanyang harapan at tinalikuran lang siya halatang ayaw makipagusap sa kanya, pakiramdam tuloy ni Marian ang sikip ng elevator kahit na wala namang ibang nakasukay doon kundi sila lang dalawa. Hanggang sa nakababa na silang dalawa sa building at naglakad papuntang parking area kung nasaan ang sasakyan ni Richard, ni-isa sa kanilang dalawa walang nagsalita. Di na nagtataka si Marian ng di man lang siya pinagbuksan ni Richard ng pinto, bagkos ay dumiretso na ito sa driver’s seat at sumakay na kaagad kaya si Marian na ang nagbukas ng pinto sa front seat.

Ilang minuto ang nakaraan, malayo-layo na rin ang nilakbay ng sasakyan ni Richard, di na nakatiis si Marian at naisip nitong siya na ang mauunang magsimula ng usapan. Nagdadalawang-isip man sa gagawin, ginawa parin nito ang naisip para lang mapilitan si Richard na makipag-usap sa kanya.

“Salamat at dinalhan mo ako ng damit ha… akala ko didiretso ka na sa condo, umuwi ka pala muna sa bahay?”

“Naisip ko lang naman kasing di maniniwala si Manang Fely na doon ka natulog sa inyo kung uuwi kang di man lang nakapagbihis at nangangamoy alak or sigarilyo paguwi mo ngayon. Buti pagbaba ko kanina wala si Manang at di nakita ang paper bag na dala ko.”

“Ahhh..so ang alam ni Manang Fely umuwi ako kay Nanay?” sinubukan ni Marian na magpakita ng katiting na ngiti ngunit nawala din ito kaagad ng makita ang naniningkit na mata ni Richard nang lumingon ito sa kanya.

“Bakit, sa palagay mo gagawa ako  ng dahilan para mabisito ng ibang tao yung sitwasyon natin?” di na nakuhang itago pa ni Richard ang kanyang inis kay Marian. Malakas na ang boses nito kung magsalita sa babae kaya mas pinili  na lang ni Marian na manahimik na. 

Ilang minuto ang dumaan ay nakauwi na sina Marian at Richard. Kagaya ng ginawa ni Richard, di nito inantay si Marian. Pagkalabas nito ng sasakyan ay dire-diretso na itong pumasok sa loob ng bahay at umakyat na kaagad sa kanilang kwarto. Si Marian naman ay nakasunod lang sa lalaki, nang sumalubong si Manang Fely at nagtanong kung kakain pa silang dalawa di  na sumagot si Richard kaya si Marian na ang sumagot dito at tumanggi sa alok ng matanda. Dinahilan nitong tapos na silang kumain kahit di siya sigurado kung yon din ang gusto ni Richard.

Pagpasok ni Marian sa loob ng kwarto nila ay nagulat pa siya ng madatnan si Richard na nakahubad ng polo nito at bitbit na ang damit. Unang beses niya itong makitang ganito ang ayos kaya di maiwasang mailang si Marian. Iniwas nito ang kanyang tingin kay Richard at ng nagtama ang kanilang tingin, nakita ni Marian na salubong parin ang kilay nito at naniningkit ang mga mata habang naka tingin sa kanya. Unang nagbawi ng tingin si Marian, dumiretso siya sa kanilang kama upang umupo at mag-alis ng sapatos habang si Richard naman ay pumasok sa kanilang banyo.

My goodness gracious! Pandesal ba ‘yon? Napasapo ng dibdib si Marian at napapikit ng kanyang mata at umiiling, pinipilit iwaksi sa isip niya ang kanyang nakita kanina pagpasok sa kwarto nila. Ay ano ba yan! Di pa ata ako tuluyang nahimasmasan,  dala pa rin ito ng hang-over at kung anu-ano na lang  ang nakikita ko! Ang dapat isipin kong isipin ngayon ay kung paano ako hihingi ng tawad sa singkit, nakakatakot pa naman  yung mga tingin niya sa akin ngayon!

Pagkatapos maligo at magbihis ni Richard ay lumabas ito suot ang isang white polo shirt at jeans. Di parin siya pinapansin nito, at dinaan-daanan lang siya habang kumukuha ng gamit sa luggage bag na nakakalat sa may paanan ng kama nila. Sa anyo nitong nakasimangot pa rin, tila di nakatulong ang malamig na tubig ng shower nila at di man lang nabawasan ang init ng ulo ng lalaki sa kanya kahit nakaligo na. 

“Ako na lang ang magliligpit niyan Chard, magpahinga ka na at alam kong pagod ka sa byahe mo.” Pagboboluntaryo ni Marian upang kahit konti ay makabawi man lang sa lalaki. 

“Thanks.” maikling sagot ni Richard pagkatapos ay tumayo na ito  at inilapag sa kama ang mga gamit na kakakuha lang niya mula bag. 

Habang inaasikaso ni Marian ang pagliligpit ng gamit ni Richard, nakita niya itong lumabas ng kwarto nila bitbit ang kanyang cellphone. Hinayaan na lang nito ang lalaki na umalis at inisip na baka may kukunin lang ito sa baba pagkatapos ay aakyat na din at magpapahinga. Nang matapos na ni Marian ang pagliligpit ng gamit ni Richard, ito naman ang pumasok ng banyo upang makaligo na rin. 

Buong akala ni Marian na sa oras na matapos na siyang maligo ay madadatnan niyang nakahiga na sa kama nila si Richard at nagpapahinga na pero nagkamali siya. Kung ano ang ayos ng kama nila ng iniwan niya, ay ganoong parin ang ayos nito nang lumabas na siya ilang minuto ang nakaraan tanda na di man lang nagpahinga si Richard kahit sandali.

Baka hindi naman siya gaanong pagod kaya di nagpahinga. Hmmm malamang nasa opisina niya sa baba..

Lumabas ng kwarto si Marian at bumaba, nasa gitna na siya ng hagdanan ng maisipang huminto at sumilip sa opisina ni Richard dahil nakikita naman mula doon kung may tao sa loob ng opisina ng lalaki. Sa kasamaang palad, di niya nakita ang lalaking nakaupo sa  harap ng mesa nito kaya bumalik siya sa taas upang puntahan ang veranda sa pag-aakalang nandoon ang lalaki pero wala rin ito doon.

“Manang..Manang..” tawag ni Marian sa matanda habang naglalakad papuntang kusina. “Si Richard po?”

“Si Ricardo? Di ba nagpaalam sa’yo? Umalis kanina pa. Narinig ko may kausap sa cellphone niya, mukhang may pinapapagalitan. Parang may taong pinapapunta ng opisina niya.”

“Ahh ganun po ba..sige po.” Nang malaman ang pag-alis ni Richard na di nagpaalam sa kanya. May konting kirot sa dibdib na naramdaman si Marian. Nasaktan siya sa pagbabalewala ng lalaki sa kanya ng di ito nagpaalam na aalis ito ng bahay. Upang di lubusang magdamdam, inisip na lang nito na baka may emergency na nangyari sa opisina kaya ito umalis. Tumalikod na si Marian at iniwan ang matanda. Bumalik siya sa kwarto nila upang magpahinga sandali at hintayin ang pag-uwi ni Richard upang makausap na ito ng masinsinan.

No comments:

Post a Comment